"Tayo ay nasa bingit na ng isang digmaang sibil." Ang siping iyon ay hindi galing sa isang panatiko o sa isang lunatiko. Bagkus, ito ay galing sa puno ng pambansang sekuridad ng France, ang DGSI (Direction générale de la sécurité intérieure), na si Patrick Calvar. Sa katunayan, maraming beses na niyang inihayag ang panganib ng isang digmaang sibil. Noong ika-12 ng Hulyo, binalaan niya ukol dito ang isang komisyon ng mga miyembro ng parliyamento na namuno sa pagsasagawa ng isang pagsisiyasat tungkol sa mga pag-atake ng mga terorista noong 2015.
Noong Mayo 2016, nagpahayag siya ng halos parehong mensahe sa isa pang komisyon ng mga miyembro ng parliyamento. Sa pagkakataong ito, sa namumuno ng tanggulang pambansa. "Ang Europa", ani niya, "ay nasa panganib. Ang extremism ay laganap na kahit saan at ating tinutuon ang ating atensyon sa mga kilos ng mga maka-kanan na naghahanda para sa isang komprontasyon".
Anong klaseng komprontasyon? "Mga komprotasyon sa loob ng komunidad" sabi niya -- magalang na salita para sa "isang giyera laban sa mga Muslim." "Isa o higit pa sa dalawang pag-atake ng mga terorista" dagdag niya, "at maaari tayong makakita ng isang digmaang sibil".
Noong Pebrero 2016, sa harap ng isang komisyon ng senadong may hawak ng impormasyong panloob ay muli niyang inihayag: "Tayo ay nakatutok sa mga ekstremistang maka-kanan na naghihintay lamang ng mas maraming pag-atake ng mga terorista upang makisali sa bayolenteng komprontasyon".
Walang nakakaalam kung ang teroristang nasa trak na umararo sa mga taong nagdidiwang ng Araw ng Bastille sa Nice at kumitil ng buhay ng higit sa 80 na katao ang magiging dahilan ng pagsiklab ng isang digmaang sibil sa France. Ngunit makakatulong ang pagtingin sa naging sanhi ng pangaib noon sa France at sa iba pang mga bansa, gaya ng Germany o Sweden.
Ang naging pangunahing dahilan ay ang kabiguan ng estado.
1. Ang France ay nasa gitna ng isang digmaan ngunit ang kalaban ay hindi pinangalanan.
Ang France ay pangunahing target ng makailang-ulit na atake ng mga Islamist; ang mga mas importanteng madudugong pag-atake ng mga teroristang Islamist ay naganap sa opisina ng magasin na Charlie Hebdo at sa pamilihan ng Hypercacher sa Vincennes (2015); sa Bataclan Theater, sa kalapit nitong mga kainan at sa Stade de France Stadium (2015); ang bigong pag-atake sa tren ng Thalys; ang pagpugot sa ulo ni Hervé Cornara (2015); ang pagpatay sa dalawang pulis sa Magnanville nooong Hunyo (2016), at ngayon ang pag-araro ng trak sa Nice, sa araw ng paggunita ng Rebolusyong Pranses noong 1789.
Karamihan sa mga pag-atakeng naganap ay gawa ng mga Pranses na Muslim: mga mamamayang galing sa Syria (ang magkapatid na Kouachi sa Charlie Hebdo) o ng mga Pranses na Islamist (Larossi Aballa na pumatay sa pamilya ng pulis sa Magnanville noong Hunyo 2016) na kinalaunan ay umamin sa kanilang katapatan sa Islamic State (ISIS). Ang nagmaneho ng truck sa atake sa Nice ay isang Tunisian ngunit kasal sa isang babaeng Pranses, kung kanino siya nagkaroon ng tatlong anak, at matahimik na namuhay sa Nice hanggang sa napagdesisyunan niyang kumitil ng higit 80 na katao at nakasakit ng higit pa sa dose-dosena.
Pagkatapos ng bawat kalunus-lunos na mga pangyayaring ito, tumangging pangalanan ni Pangulong François Hollande ang kaaway. Kanyang itinangging pangalanan na ang Islamism, partikular na ang mga Pranses na Islamist bilang mga kaaway ng mga mamamayan ng France.
Para kay Hollande, ang kaaway ay isang konsepto: "terorismo" o "mga panatiko". Kahit na mangahas na pangalanan ng pangulo ang "Islamism" bilang kaaway, hindi niya tuwirang ihahayag na kanyang ipapasara ang lahat ng moske ng Salafist, ipagpapabawal ang kapatiran ng mga Muslim at mga organisasyon ng mga Salafist sa France, at ipagpapabawal ang mga belo para sa mga babae sa daan at sa unibersidad. Sa halip, mas pinagtibay pa ng pangulo ng France ang kanyang determinasyon sa pagpapaigting ng pwersa ng militar sa ibang bansa. "Atin pang palalakasin ang ating mga pwersa sa Syria at Iraq," pahayag ng pangulo matapos ang pag-atake sa Nice.
Para sa pangulo ng France, ang pagpapakalat ng mga sundalo sa loob ng bansa ay isa lamang hakbang pang-depensa: isang polisisyang pagpapaudlot, hindi isang opensibang pag-aarmas ng Republika laban sa mga kaaway-panloob.
Sa harap ng kabiguang ito ng mga elitistang inihalal upang gabayan ang bansa sa panloob at panlabas na banta ng panganib, kagulat-gulat ba na inoorganisa ng mga grupong paramilitar ang kanilang mga sariling upang mag-aklas?
Nasabi ni Mathieu Bock-Côté, isang sosyolohista sa France at Canada, sa Le Figaro:
"Ang mga Kanluraning elista na may katigasan ng ulo ay tutol na pangalanan ang kaaway. Sa harap ng mga pag-atake sa Brussels o Paris, mas nais nilang isipin na ito ay away ng pilosipiya ng demokrasya at terorismo, sa pagitan ng bukas na lipunan at panatisismo, sa pagitan ng sibilisasyon at barbarismo".
2. Ang digmaang sibil ay nagsimula na at walang gustong pangalanan ito.
Ang digmaang sibil ay nagsimula 16 na taon na ang nakararaan, sa pangalawang Intifada. Nang isagawa ng mga Palestino ang mga pagpapakamatay bilang pag-atake sa Tel-Aviv at Jerusalem, nagsimulang sindakin ng mga Pranses na Muslim ang mga Hudyong tahimik na naninirahan sa France. Sa loob ng 16 na taon, ang mga Hudyo - sa France - ay pinagpapapatay, inatake, pinahirapan at pinagsasasaksak ng mga mamamayang Pranses na Muslim, bilang isang paghihinganti para sa mga Palestinong nasa West Bank.
Nang mag-deklara ng giyera ang isang grupo ng mga mamamayang Pranses na mga Muslim laban sa isang grupo ng mga mamamayang Pranses na mga Hudyo, anong maitatawag mo dito? Para sa institusyon ng France, ito ay hindi isang digmaang sibil. Ito lamang ay isang nakakalungkot na hindi pagkaka-unawaan ng dalawang "etnikong" komunidad.
Hanggang ngayon, wala pa ring nagnanais na magbigay-linaw sa koneksyon sa pagitan ng mga pag-atakeng ito at sa madugong pag-atake sa Nice laban sa mga hindi Hudyo -- at pangalanan ito bilang ano dapat ito : isang digmaang sibil..
Para sa napaka politically correct na institusyon ng France, ang banta ng isang digmaang sibil ay magsisimula lamang kung mayroon maghihiganti laban sa mga Pranses na Muslim; kung ang lahat ay susunod sa kanilang mga nais, magiging maayos ang lahat. Magpasa-hanggang ngayon, walang nag-isip na ang mga pag-atake ng mga teroristang Pranses na Muslim laban sa mga Hudyo; pag-atake ng mga Pranses na Muslim laban sa mga mamamahayag ng Charlie Hebdo; pagpugot ng ulo ng isang Pranses na Muslim sa ulo ng isang negosyante isang taon na ang nakararaan; pag-atake ng isang grupo ng mga Muslim sa binatang si Ilan Halimi; pag-atake ng isang Pranses na Muslim sa mga mag-aaral sa Toulous; pag-atake ng isang Pranses na Muslim sa mga pasahero ng tren ng Thalys; pag-atake ng isang halos na Pranses na Muslim, ay mga simptomas ng isang digmaang sibil. Hanggang sa ngayon, ang mga madudugong pangyayaring ito ay tinitingnan pa rin bilang isa lamang kalunus-lunos na resulta ng isang hindi pagkakaunawaan.
3. Ang institusyon ng France ay itinuturing na kalaban ang mga mahihirap, mga matatanda at mga dismayado
Sa France, sino ang malimit na nagrereklamo ukol sa imigrasyon ng mga Muslim? Sino ang pinaka nagdudusa mula sa lokal na Islamism? Sino ang madalas na uminom ng isang basong bino or kumain ng isang hamon-at-mantikilyang emparadados? Ang mga mahihirap at ang mga matatanda ay nakatira malapit sa mga komunidad ng mga Muslim dahil wala silang pera para lumipat sa ibang lugar.
Bilang isang resulta, milyong-milyon na mga mahihirap at matatanda ng France ay nakahanda ngayong iboto si Marine Le Pen, presidente ng maka-kanang Front National, bilang susunod na pangulo ng Republika. Ito ay dahil sa simpleng kadahilanan na ang Front National lamang ang nag-iisang partido na gustong labanan ang ilegal na imigrasyon.
Ngunit dahil din sa rason na ito, ang mga matatanda at mahihirap na Pranses ay naging kaaway ng estado ng France, kaliwa't kanan. Ano ang masasabi ng Front National sa mga taong ito? "Aming ibabalik ang France bilang isang bansa ng mga Pranses". At ang mga mahihirap at matatanda ay naniniwala dito -- sapagkat wala na silang ibang mapagpipilian.
Katulad ito ng pangyayari sa Britain, na kung saan walang ibang mapagpilian ang mga mahihirap at matatandang Briton kung hindi ang bumoto para sa Brexit. Ginamit nila ang binigay na karapatan sa kanila upang ihayag ang kanilang pagkadismaya sa pagtira sa isang lipunang hindi na nila gusto. Hindi sila bumoto upang sabihing, "Patayin ang mga Muslim na bumabago sa aking bayan, numanakaw ng aking trabaho at gumagamit ng aking buwis." Sa halip, sila lamang ay nagpoprostesta laban sa lipunang sinimulang baguhin ng global elite na wala ang kanilang pahintulot.
Sa bansang France, gumawa ng desisyon ang mga global elite. Nagkaisa sila na ang mga "masasamang" botante sa France ay hindi makatuwiran at mapag-aglahing mga tao na hindi makita ang kagandahan ng isang bukas na lipunan sa mga taong madalas ay ayaw makibagay, na gusto nilang pakisamahan mo sila at pagbabantaan kang papatayin kung hindi mo ito gagawin.
Ang mga global elite ay gumawa ng isa pang desisyon: sila ay pumanig laban sa kanilang mga matatanda at mahihirap dahil ang mga taong ito ay ang mga taong ayaw na silang iboto kahit kailan. Pinili din nila na hindi labanan ang Islamism dahil ang mga Muslim ay sama-samang bumoto para sa global elite na ito. Ang mga Muslim sa Europa ay nagbibigay ng isang malaking bentahe sa mga global elite: sila ay isahan kung bumoto.
Sa France, noong taong 2012, 93% ng mga Muslim ay bumoto para sa kasalukuyang pangulo na si François Hollande. Sa Sweden, itinala ng Social Democrats na 75% ng mga Suwekong Muslim ang bumoto sa kanila noong pangkalahatang eleksyon, taong 2006; at ayon sa mga pag-aaral, ang "red-green" bloc ay nakakuha ng 80-90% na boto mula sa Muslim.
4. Maaari bang magkaroon ng digmaang sibil? Oo!
Kung ayaw ng estado na tanggapin na una ng nagdeklara ng digmaang sibil ang mga ekstremistang Muslim -- kung ayaw nilang tanggapin na hindi ang Front National ng France, AfD ng Germany o ang mga Sweden Democrats ang mga kaaway -- kundi ang Islamism sa France, Belgium, Great Britain at Sweden -- malamang na maganap ang isang digmaang sibil.
Tulad ng Germany at Sweden, ang France ay may malakas na militar at kapulisan na kayang lumaban sa isang panloob na Islamist na kaaway. Ngunit dapat muna nila itong pangalanan at gumawa ng hakbang laban dito. Kung hindi nila ito gawin, kung hahayaan nila ang kanilang mga katutubong mamamayan na mawalan ng pag-asa at walang ibang pagpipilian kung hindi ang armasan ang kanilang mga sarili at mag-aklas -- oo, hindi malayong may maganap na digmaang sibil.
Si Yves Mamou ay nakabase sa France na nagtrabaho bilang mamamahayag para sa Le Monde sa loob ng dalawang dekada.